--Ads--

CAUAYAN CITY – Aabot sa mahigit 350 na bakanteng trabaho ang iaalok sa job fair na isasagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagdiriwang ng Labor Day sa May 1, 2022.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Joel Gonzales ng DOLE Region 2, sinabi niya na tampok na aktibidad ng DOLE sa Labor Day ang Paggawa ang Trabaho, Negosyo at Kabuhayan na gaganapin sa isang malaking mall sa Santiago City.

Nasa mahigit 350 na trabaho ang naghihintay sa mga job seekers at habang papalapit ang Araw ng Paggawa ay patuloy itong madadagdagan.

Ilan sa mga bakanteng trabaho ay ang pagiging service crew,  cashier, technologist, driver, accounting aids at marami pang iba.

--Ads--

Maliban sa mga local employment opportunity ay mayroon ding mga overseas opportunity para sa mga nurses na mahigit 500.

Ayon kay Regional Director Gonzales, mayroon nang online registration para sa mga naghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng link na nakalagay sa website at Facebook page ng DOLE region 2.

Mayroon din silang negosyo session katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) na nagbibigay kaalaman sa mga rookie entrepreneurs o negosyante maging ang mga may-ari ng Micro Small and Medium Enterprises (MSME).

Isasagawa rin ang Livelihood Trade Fair at ang mga livelihood beneficiaries mula sa ibat ibang lugar sa rehiyon ay mabibigyan ng pagkakataong magbenta o mag-exhibit ng kanilang mga produkto.

Hinikayat ni Regional Director Gonzales ang mga job seekers at negosyante na magtungo sa kanilang job fair venue upang makahanap ng trabaho.