
CAUAYAN CITY – Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng P7,200 na ayuda ng pamahalaan sa 1,163 target benificiaries ng fuel subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jinky Zipagan, Attorney IV ng LTFRB Region 2, sinabi niya na ang subsidiya ay direktang naihuhulog sa Pantawid Pasada Program (PPP) card ng mga operator na gagamitin para sa pagbili ng petrolyo.
Ang fuel subsidy ay maaaring i-avail ng mga PUJ sa mga accredited gasoline stations sa buong bansa at kailangan lamang na ipakita ng tsuper ang kanyang PPP card upang magamit itong pambili ng petrolyo.
Nagsimula ang pamamahagi ng subsidiya noong buwan ng Enero na bahagi ng ikalawang bugso ng fuel subsidy matapos na maipamahagi ang PPP noong 2019.
Hindi pa man tapos ang pamamahagi ng ikalawang tranch ay pinag-aaralan na ang ikatlong bugso ng fuel subsidy na nagkakahalaga ng P6,500 at puntirya naman itong maipamahagi sa 4,851 target beneficiaries na kinabibilangan ng mga Taxi, Jeepney, Bus, Van at tourist Transport Services.
Sa kabila ng tuloy-tuloy na pamamahagi ng ayuda ay tinututukan na rin ng LTFRB ang mahigit isang libong unclaimed PPP cards.










