
CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng pamunuan ng Benguet Farmers Multi-Purpose Cooperative ang pagsasampa na ng Bureau of Customs (BOC) ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga importers at Customs brokers.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Agot Balanoy, manager ng Benguet Farmers Multi-Purpose Cooperative na maganda kung may mga nasampahan na ng kaso sa mga sangkot sa smuggling sa bansa dahil ito ang naging problema nang magkaroon ng hearing sa senado.
Umaasa sila na ang isasampang kaso ay ang tama lamang na kaso dahil napag-alaman nila na ang smuggling na kaso ay ikinukunsiderang economic sabutage at kapag naisampa sa isang tao na napatunayang guilty ay habambuhay ang pagkakakulong.
Dapat ay hindi lamang ang mga smugglers ang sampahan ng kaso kundi maging ang iba pang mga sangkot tulad na lamang ng mga tindera na bumibili at nagbebenta ng mga smuggled products gayundin ang mga pumoprotekta sa kanila.
Hindi aniya basta-basta nakakapagpuslit ang mga sangkot sa smuggling kung walang malaking tao na pumuprotekta sa kanila.
Umaasa sila na seryoso na ngayon ang pamahalaan sa pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa smuggling sa bansa.
Nilinaw naman niya na walang kinalaman ang kanilang kooperatiba sa pagsasampa ng kaso at ang tanging naitulong nila ay ang pagbibigay ng impormasyon sa pagkumpiska ng mga smuggled na produkto sa mga pamilihan.
Kaugnay nito ay hindi naman nila masisi ang mga tao na idinadawit ang Department of Agriculture (DA) sa smuggling dahil agricultural products ang pinag-uusapan dito.
Ayon pa kay Balanoy, napag-alaman din nila na hindi na lamang ang mga hi-land vegetable products ang ipinupuslit ngayon kundi maging ang mantika, sibuyas at iba pang produktong pang-agrikulta kaya hindi na lamang sila ang apektado ngayon kundi lahat na ng mga magsasaka sa bansa.




