
CAUAYAN CITY– Nadismaya ang isang political analyst sa format na panel interview sa mga kandidato sa pagka-pangulo na ipinalit ng Comelec sa hindi natuloy na presidential debate.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst na ang panel interview o one-on-one interveiw ay ginagawa na ng mga media outlet kaya bakit uulitin pa ng Comelec.
Sampu aniya ang mga kandidato sa pagka-pangulo at mayroon silang tig-isang oras kaya maaaring hindi na panonoorin lahat ng mga botante na magdudulot ng pagka-kompromiso ng voters education campaign.
Anya may responsibilidad ang Comelec sa mga botante at hindi para sa mga kandidato na ang ilan ay unang naghayag na hindi makakadalo sa presidential debate dahil abala na sila sa pangangampanya.
Hindi ito dapat pinansin ng Comelec dahil ang mga makakadalo ang kailangan na bigyan ng seryosong pansin ng mga botante.
Iginiit ni Atty. Yusingco na walang dahilan ang mga kandidato na hindi makadalo sa panel interview dahil nag-adjust na ang comelec.
Kung hindi nila pauunlakan ang Comelec ay may problema na sa kandidato na posibleng nagtatago, natatakot at naduduwag na humarap sa mga magtatanong kung ano ang kanilang mga plano at plataporma.










