--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng limang miyembro umano ng robbery/hold-up gang na napatay matapos na makipagbarilan sa mga pulis kahapon sa Tabuk City, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSgt. Ford Wassig, Public Information Officer ng Tabuk City Police Station, sinabi niya na may nakuha sa bulsa ng isa sa mga suspek na ID ng isang Joel Fajardo ng Tangle, Mexico, Pampanga at miyembro ng Anti-Organized Crime and Corruption Intelligence Group.

Matatandaang dead on the spot ang dalawa sa mga suspek habang dead on arrival naman sa pagamutan ang tatlo matapos  magtamo ng ilang tama ng baril sa kanilang katawan at kalaunan ay namatay din.

Ayon kay PMSgt. Wassig, hinabol ng mga pulis ang sasakyan ng mga suspek at nang makarating sa Barangay Malalao ay nagkaroon na ng palitan ng putok ng baril.

--Ads--

Nakuha sa sasakyan ang nasa 23 bricks ng marijuana na may estimated value na P2,660,000.

Nakuha rin sa sasakyan ng mga suspek ang isang granada at apat na Caliber 45 na ginamit  sa pakikipagbarilan sa mga pulis.

Hindi pa naman matukoy ng mga pulis kung saan idedeliver ang nasabing ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay PMSgt. Ford Wassig hinihinalang miyembro ng bigtime na Robbery Hold-up Gang ang mga suspek at maaring sangkot din sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.