
CAUAYAN CITY – Inihayag ng Comelec Isabela na mataas ang turnout ng unang dalawang araw ng pagsasagawa ng local absentee voting na nagsimula noong ika-27 ng Abril at magtatapos ngayong araw ng Biyernes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Camangeg, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Isabela, sinabi niya na may pitong media na sumali sa absentee voting at sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) ay 368.
Umabot naman sa 143 ang mga kasapi ng Santiago City Police Office (SCPO) at 61 sa Armed Forces of the Philippines.
Batay sa kanilang datos kaunti na lamang ang hindi pa natatapos na bumoto para sa local absentee voting na magtatapos na ngayong araw, April 29.
Ayon kay Atty. Camangeg, manual ballot ang ginamit sa local absentee voting at mismong botante ang magsusulat ng kanyang nais na ibotong kandidato.
Apat na posisyon lamang ang maaaring iboto sa local absentee voting at ito ay kinabibilangan ng Pagkapresidente, Bise Presidente, Senador, at Party List Representative.
Matapos bumoto ay iseselyo mismo ng botante ang kanyang balota sa isang sobre at isusumite sa Comelec Officer dahil ifoforward naman ito sa Punong Tanggapan ng Comelec sa Maynila.
Sa gabi ng May 9 na bibilangin ang mga balota upang isabay sa mismong counting sa halalan.
Maliban sa Local Absentee Voting ay nagpapatuloy din ang distribusyon ng Comelec Isabela ng mga opisyal na balota sa mga local treasurers offices sa lalawigan.
Ayon kay Atty. Camangeg, ang mga natira na lamang ay ang mga balota para sa mga coastal towns.
Nagdadagdag naman sila ng suporta ng mga pulis sa pagdedeliver ng mga official ballots sa mga lugar na idineklarang red zone ngayong halalan upang maiwasan ang hindi kanais nais na pangyayari.
Inihayag ni Atty. Camangeg na higit 90% nang handa ang Comelec Isabela para sa pagsasagawa ng halalan sa May 9.










