
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang binata matapos na malason umano sa inulam na frozen meat sa Dadap, Luna, Isabela.
Ang nasawi ay si Rexon Littaua, 25-anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Simeona Littaua, ina ng biktima, sinabi niya na walang sakit ang kanyang anak, malusog siya at sa katunayan ay tumutulong sa kanya na namimitas ng mga gulay na ibinebenta niya sa pamilihan.
Naniniwala si Ginang Littaua na ang inulam nilang frozen meat ang dahilan ng pagkasawi ng kanyang anak dahil Martes ng gabi ng bumili siya ng frozen meat na kanilang inulam.
Miyerkules ng umaga ay nakaranas silang mag-asawa ng pananakit ng tiyan kabilang ang anak na si Rexon, isa pang anak at apo.
Naitakbo pa sa pagamutan ng kanyang balae ang kanilang apo noong araw ng Miyerkules subalit dahil sa hirap ng buhay ay hindi na nila naitakbo sa pagamutan si Rexon na binawian ng buhay madaling araw noong Huwebes.
Ang isa pa niyang anak ay dinala sa pagamutan dahil hindi tumigil ang pananakit ng tiyan at batay sa pahayag ng kanyang attending physician ay biktima ng food poisoning ang anak.










