--Ads--

CAUAYAN CITY – Nangangamba ang ilang residente ng Labinab, Cauayan City na maaring bunsod ng bird flu ang pagkamatay ng mga alagang pato ng isang residente sa nabanggit na barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Valeriano Purugganan, sinabi niya na noong lunes ng hapon ay napakain pa niya ang kanyang mga alagang pato ngunit kinaumagahan ng Martes ay nagulat na lamang siya nang makitang patay na ang ilan sa mga ito habang ang iba ay nanghihina at kalaunan ay namatay rin.

Umabot sa 63 kilo ang 42 pato na namatay na alaga ni Purugganan na hindi alam ang dahilan kaya iniulat niya sa mga opisyal ng barangay.

Iniulat naman ng mga opisyal ng barangay sa City Veterinary Office ngunit dahil holiday ay noong Miyerkules lamang naiulat sa naturang tanggapan.

--Ads--

Samantala, mayroon ding alagang manok si Purugganan ngunit pato lamang ang namatay kaya naging palaisipan ito sa ilang opisyal ng barangay.

Bukod kay Purugganan ay wala nang namatayan ng alagang pato o manok sa naturang barangay.

Nakatakda namang kumuha ng blood samples sa mga alagang pato at manok ang City Veterinary Office ngayong araw ng Biyernes.