--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling nagpaalaala ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa mga dapat at hindi dapat gawin sa lunes, araw ng halalan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Election Officer III Emmanuel Aggabao, pinaalalahanan niya ang mga botante na sa pagpunta sa mga polling precints sa lunes ay magsuot ng facemask, magdala ng tubig at alcohol.

Sumunod din sa mga panuntunan ng COMELEC tulad ng paghuhugas ng kamay at pagkuha ng body temperature.

Aniya, kapag umabot ng 37.5 pataas ang body temperature ng botante ay magpapahinga ng limang minuto at pagkatapos ay kukunin ulit ang kanilang body temperature.

--Ads--

Kapag bumaba ang body temperature ay patutuluyin na siya sa voting center.

Kung nakitaan naman ng sintomas ng COVID-19 ay dadalhin sa Isolation Polling Place (IPP).

Ang IPP ay may isolation polling place support staff na magbabantay sa kanila at sila na rin ang mag-aassist para sa kanilang pagboto dahil hindi pinapayagan ang assistor.

Kapag bumoto sa IPP, bago kuhanan ng official ballot sa chairman ay magfifil-up ng waiver.

Pagkatapos namang bumoto ay papayagan nang umuwi.

Pinayuhan naman ang lahat ng mga botante na pagkatapos bumoto ay umuwi na para maiwasan ang kumpulan sa mga polling areas.

Nilinaw naman ni Aggabao na hindi required ang vaccination card sa pagboto.

Aniya, iulat sa election officer kapag inobliga ang botante na magpakita ng vaccination card bago bumoto.

Bukod dito ay hindi na rin kailangan ang antigen test o swab test result o kahit ano mang medical document na pruweba na sila ay negatibo sa virus.

Ayon pa kay Aggabao, sa pagboto ay dapat ishade ng atleast 50% ang oval, huwag tuldukan o icheck at iwasang madumihan at mapunit ang balota.

Ipinagbabawal din ang pakikipag-usap sa mga watchers gayundin ang paghawak ng cellphone habang bumuboto dahil bawal ang pagkuha ng larawan sa loob ng voting center.

Ngayong halalan ay may kaunting pagbabago dahil mayroon ng voters assistant desk sa entrance pa lamang.

Sa mga senior at Persons with Dissabilities (PWD) naman ay may itinalagang gagabay dahil ang mga kamag-anak ay hanggang tatlong beses lamang na puwedeng mag-assist.