
CAUAYAN CITY – Hindi nakaboto ang mag-asawa sa Jones, Isabela dahil isinubo ang kanilang official ballot sa vote counting machine (VCM ) na hindi pa sila nakakapag-shade ng kanilang ihahalal na kandidato.
Ayon sa mag-asawa, binigyan sila ng form pero may inaasikasong problema ang mga electoral boards.
Lalapitan sana umano siya para bumuto pero sinabihan siya nang nakabantay sa VCM na isubo niya sa machine ang hawak niyang balota.
Ayon naman kay Teacher Malou, ang nagsabing i-insert na ang balota, ang akala niya ay tapos nang bomoto ang mag-asawa kaya sinabihan niyang ipasok sa VCM ang kanilang balota.
May pagkukulang aniya ang mga ito dahil hindi nagsabing tapos na silang bomoto.
Aniya, hindi nila maaring tingnan kung tapos nang bomoto ang mga botante kaya nang lumapit ang mag-asawa sa VCM ay inakala nitong tapos na silang nag-shade kaya sinabihan niya silang ipasok na sa VCM ang kanilang balota ngunit laking gulat nila nang walang lumabas na ibinoto sa lumabas na papel.




