
CAUAYAN CITY– Iginagalang ni dating IBP President Atty. Domingo Cayosa ang desisyon ng Comelec En Banc na ibasura ang apat na disqualification cases laban kay dating senador at presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Cayosa sinabi niya na bagamat maganda at tinapos na ng COMELEC ang pagdedesisyon sa naturang mga disqualification cases mas mainam sana kung tinapos ito bago ang halalan o bago ang botohan.
Ayon kay Atty. Cayosa una na rin nilang ipinanawagan sa COMELEC at Supreme Court na may mga pending cases ang agarang pagdedesisyon sa mga hawak na kaso upang magabayan ng wasto ang taumbayan.
Dahil sa naturang hakbang ng COMELEC ay nagkaroon ng posibilidad na maaaring magkagulo at marami ang masayang ang boto kung kinatigan ang disqualification case laban kay dating Senator Marcos Jr.
Sa kabila na naibasura na ay maaari pa ring umapela sa Supreme Court ang mga petitioners sa naturang kaso laban kay Marcos subalit dahil nauna nang nagdesisyon ang taumbayan ay normal na lamang na maghinay hinay ang pagdedesisyon ng Korte Suprema.
Pinasalamatan naman niya ang mga kandidato at ang COMELEC dahil sa maayos at credible na halalan mula botohan hanggang sa automated counting ng mga balota.
Panawagan niya sa mga susunod na mamumuno sa bansa na pagtuunan ng pansin ang ekonomiya na pinadapa ng pandemiya, usapin ng corruption.










