
CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng kilos protesta ang umaabot sa 1,000 na tagasuporta ni Mayoralty Candidate Oteph Miranda sa harapan ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Renan Luluquisin, supporter ni Miranda, sinabi niya na nagsagawa sila ng kilos-protesta upang kalampagin ang COMELEC dahil sa lumabas na Certificate of Canvass sa lunsod habang may mga rejected ballots na hindi pa nabibilang.
Aniya, batay sa nakuha nilang impormasyon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Movement for Free Elections (NAMFREL), mayroon pang 4,255 na ballot rejected sa Santiago City na hindi pa nabibilang.
Marami aniyang machine noong halalan ang hindi gumana sa lunsod kaya hindi nabilang ang mga balota.
Naniniwala sila na hindi si Atty. Sheena Tan ang nanalo kaya magpoprotesta sila hanggang mapakinggan ang kanilang daing na bilangin ang mga rejected ballots.
Si Atty. Sheena Tan ay nakakuha ng 43,416 na boto habang si Otep Miranda ay may 42,631 votes.
Ayon kay Luluquisin, walang nag-utos sa kanila na gawin ang kilos protesta kundi mismong taumbayan ang humiling na gawin nila ito.
Kailangan na aniya ng Lunsod ng Santiago ng pagbabago.
Tiniyak ni Luluquisin na nasusunod ang mga minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at pagsunod sa social distancing sa kanilang kilos protesta.




