
CAUAYAN CITY – Patuloy ang manual counting ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga election returns sa lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sister Mary Claire Balila, Officer in Charge ng PPCRV Command Center, sinabi niya na natanggap na nila ang 75% ng mga election returns mula sa iba’t ibang lugar sa Isabela pangunahin na ang mga coastal towns ng Palanan, Dinapigue, Maconacon at Divilacan.
Aniya, nasa 1,443 na election returns na ang naihatid sa Command Center na naging basehan nila sa kanilang isinasagawang manual counting upang maberipika ang boto ng bawat kandidato.
Manu-mano ang kanilang pagtatally sa mga nilalaman ng mga election returns mula sa pagkapangulo hanggang pangalawang pangulo kaya bahagyang matagal ang proseso.
Nais sana ng PPCRV na maging ang pagkasenador ay kasama sa kanilang manual counting ngunit dahil sa napakaraming kumandidatong senador ay hindi na nila kakayanin pa.
Hinihintay pa naman ng PPCRV ang natitirang 25% ng mga election returns upang makumpleto na ang kanilang isinasagawang pagtatally.
Ayon kay Sister Balila hanggang May 15 lamang ang kanilang ibinigay na deadline para sa pagpapadala ng mga election returns.
May mga board of election inspectors naman umano ang hindi nagbigay ng election returns kaya patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Comelec Isabela upang makuha ang mga ito at maisama sa manual counting.










