--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakitaan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ng minimal na pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mel Laciste, Information Officer ng DTI Isabela, sinabi niya na nakitaan nila ng pagtaas ng piso hanggang dalawang piso ang presyo ng mga kondensada, meatloaf at corned beef.

Aniya, bunsod ito ng pagtaas ng acquisition cost ng mga traders tulad ng transportasyon at patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Maliban dito ay nagpatupad na rin ng bagong suggested retail price (SRP) ang DTI noong May 11.

--Ads--

Ayon kay Laciste kung titingnan ang trend ng presyo ay aasahan talaga ang pagtaas hangga’t patuloy na tumataas ang presyo ng produktong petrolyo na pangunahing ginagamit sa pagtransport sa mga bilihin sa iba’t ibang lugar.

Patuloy ang panghihikayat ng DTI sa mga konsyumer na maging mapagmatyag at agad na ireklamo sa kanilang tanggapan ang ano mang iregularidad na makikita sa mga presyo at suplay ng bilihin na kanilang nabibili sa merkado.

Tiniyak ng DTI na agad nilang aaksyunan ang reklamong kanilang matatanggap basta pormal na magbibigay ng complaint ang isang consumer laban sa mga umaabuso sa presyo ng mga bilihin.

Pinaalalahanan naman nila ang mga konsyumer na magsaliksik sa mga factor na nakakaapekto sa pagtaas ng presyo ng bilihin upang alam nila ang kanilang gagawin.

Hinikayat din ng DTI ang mga konsyumer na tignan ang bagong SRP na nakapost sa facebook page ng DTI Isabela upang alam nila ang tunay na presyo ng kanilang bibilhing produkto at maiwasang maloko ng mga umaabusong mga negosyante.