
CAUAYAN CITY – Humihingi ng hustisya ang pamilya ng tsuper ng trailer truck na binaril ng kanyang nakaalitang tsuper ng motorsiklo sa national highway sa Barangay San Fermin, Cauayan City.
Una ng napaulat sa Bombo Radyo Cauayan ang pagbaril at pagpatay kay Danilo Bramaje, 42 anyos, may asawa at residente ng Gappal, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Meralyn Bramaje, asawa ng biktima na kasalukuyan siyang nagluluto nang iparating ng pinsan ng kanyang asawa ang nangyari sa kanyang mister na labis niyang ikinabigla.
Mabait anya ang kanyang asawa at walang kaaway.
May tatlo silang anak na edad 17, 13 at 9 anyos na lubos ding nagdadalamhati dahil sa nangyaring pagpatay sa kanilang ama.
Ayon kay Ginang Meralyn, dati siyang OFW ngunit hindi nakabalik sa abroad dahil sa pandemya.
Nag-apply siyang muli na mangibang bansa at hinihintay na lamang nito ang kanyang ticket ngunit dahil sa nangyari sa kanyang mister ay hindi pa siya makakapagpasya kung itutuloy ang kanyang pag alis.
Ang labi ng biktima ay nakaburol na sa kanilang bahay sa Gappal, Cauayan City.










