--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang mga negosyante sa lalawigan na sumunod sa mga panuntunan tungkol sa paglalagay ng shelf tag sa kanilang mga ibinibentang produkto.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mel Laciste, Information Officer ng DTI Isabela, sinabi niya na sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines ay may responsibilidad ang mga negosyante sa paglalagay ng price tag.

Aniya, hindi na naging istrikto ang DTI dahil pinayagan na ang paglalagay ng shelf tag o paglalagay ng presyo sa mga istante ng mga produkto.

Kailangang iupdate ang mga ito kung may paggalaw sa presyo ng mga produkto upang maiwasan ang kalituhan sa mga consumer.

--Ads--

Dapat aniyang pareho ang presyong nakalagay sa shelf tag at sa price tag ng produkto.

Sakaling hindi na-update ng negosyante ang presyo sa shelf tag at tumaas na ang presyo ng produkto ay ang nakalagay sa shelf tag ang babayaran ng consumer.

Aniya, madaling manipulahin ang presyo ng produkto kung walang inilagay na price tag at malaking dagok ito sa mga consumer.

Pinaalalahan ng DTI Isabela ang mga negosyante na sipagan ang paglalagay ng shelf tag upang hindi managot sa batas.

Noong nakaraang taon ay may naisyuhan na sila ng notice of violation at umabot sa P10,000 ang multa ng negosyante sa hindi paglalagay ng price tag sa kanilang ibinebentang produkto.

Pinaalalahanan naman niya ang mga consumer na maging mapagmatyag at suriing mabuti ang presyo ng binibiling produkto.

Ipabatid agad sa DTI kung may makitang iregularidad upang mapanagot ang mga negosyanteng hindi sumusunod sa panuntunan.