
CAUAYAN CITY – Naging kumadrona ang isang pulis sa Villaverde Police Station sa Nueva Vizcaya matapos na biglang mapaanak ang nagpapasaklolong ginang dalhin sa pagamutan dahil malapit nang manganak.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Villaverde Police Station, isang Ginang mula sa nasabing lugar ang pinaanak ng ilang kasapi ng naturang himpilan kahapon na sina Patrolman Jardin Paulo Galima at Police Corporal Kennent Cabanilla.
Madaling araw nang makaramdam ng paghilab ng tiyan ang Ginang na nasa kabuwanan na kaya lulan ng tricycle ay dumiretso sila sa himpilan ng PNP Villaverde upang magpahatid sa pagamutan subalit ilang minuto pa lamang ang nakakalipas ay napaanak na ang Ginang.
Nataranta umano ang lahat dahil bago pa man makalayo sa himpilan ay pumutok na ang panubigan ng Ginang kay pinahiga na lamang sa likod ng mobile patrol car at doon na rin lumabas ang babaeng sanggol.
Ligtas na nailuwal ang sanggol sa tulong ni Pat. Galima na nalamang isang Rehistradong Nurse at may karanasan na sa pagpapaanak.
Sa kasalukuyan nasa maayos na ring kondisyon ang mag-ina na dinala sa Birthing clinic para sa agarang medikasyon.
Ipinagmalaki naman ng Villaverde Police Station ang naging aksyon ng kanilang mga kasamahan.










