
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na sarado na ang mahigit apatnapong E-Sabong sa Isabela at hindi na makakablik sa kanilang operasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj. Amy Dela Cruz, tagapagsalita ng IPPO na batay sa kanilang monotoring ay nagsarado na lahat ang operasyon ng E-Sabong sa lalawigan.
Nakatanggap na rin sila ng memo mula sa kanilang National Headquarters kaugnay sa pagpapasarado sa lahat ng E-sabong sa kanilang nasasakupan.
Upang matiyak na tuluyan nang hindi makakabalik ang operasyon ng E-Sabong ay patuloy ang pagsasagawa nila ng intelligence monitoring at inspection sa 41 online sabong sa Isabela at tinitiyak nilang hindi sila lalabag sa naturang kautusan.
May cyber crime division ang Philippine National Police (PNP) na kasamang magmomonitor para matiyak na hindi na muling magsasagawa ng operasyon ang mga e-sabong.
Ang mahigit apatnapong online sabong ay mula sa iba’t ibang bayan at Lunsod sa Isabela.
Nauna nang ipinag-utos ni Provincial Director Col. Julio Go sa lahat ng mga hepe ng pulisya sa Isabela na ipatigil na ang lahat ng operasyon ng E-sabong sa kanilang nasasakupan.
Nagiging bisyo na ang E-sabong ng mamamayan na naging sanhi ng kanilang malaking pagkakautang at naapektuhan na rin ang kanilang pamilya kaya dapat lamang na tugunan at tuluyang ipasara.
Matapos ipasara ang online sabong ay napansin ng PNP na bumaba na rin ang krimen pangunahin na ang pagnanakaw.










