
CAUAYAN CITY – Nagsimula na kahapon ang dalawang malaking sporting events sa lunsod ng Ilagan at ito ay ang Little League Based North Luzon Championship at Philta National Open Youth Tennis Circuit 2022.
Naging panauhing pandangal sa pagsisimula ng mga nasabing sporting events si 31st SEA Games Silver Medalist Hokett Delos Santos na binigyan ng pagkilala ng pamahalaang lunsod dahil sa naibigay na parangal sa Pilipinas lalo na sa lunsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Paul Bacungan, City Information Officer ng Ilagan, sinabi niya na ang nasabing sporting events ay magtatagal ng isang linggo at sasalihan ng anim na team.
Aniya, noong nakaraang linggo pa dumating ang ilang delegado mula sa Mt. Province, Zambales, Divilacan, Ilocos Norte, Kalinga at Quirino.
May mga manlalaro ring mula sa Alicia, Cauayan City, Santiago City, Quirino, Manila, Palawan at Nueva Ecija.
May dalawang kategorya ang larong baseball at ito ay ang Junior at Senior habang sa Tennis ay sampung kategorya ang paglalabanan ng mga manlalaro.
Ayon kay Bacungan dahil nahuli ang imbitasyon ng DepEd ay hindi na nakapunta ang mga delegado mula sa Mindanao.
Tiniyak naman ng pamahalaang lunsod na mababantayan ang kaligtasan ng mga delegasyon sa sporting events upang makaiwas pa rin sa COVID-19.










