
CAUAYAN CITY – Tumutulong na ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa Cauayan City Police Station upang mapabilis ang pagsisiyasat at paglutas sa magkasunod na kaso ng pagbaril at pagpatay sa lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Julio Go, Provincial Director ng IPPO, sinabi niya na tumutulong na ang mga operatiba ng IPPO para sa agarang paglutas sa mga naitalang dalawang shooting incident sa lunsod sa mga nagdaang araw.
Aniya, kasalukuyan ang intelligence investigation ng mga intel operatives katuwang ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station.
Wala namang plano ang IPPO na magtalaga ng Task Group na mag-iimbestiga sa mga kaso ng pagpatay sa lunsod dahil maituturing lamang itong normal na kaso at hindi rin high profile ang mga biktima.
Dahil sa mga nangyaring insidente ng pagpatay ay nakatutok na ngayon ang pamunuan ng IPPO sa Anti-Criminality Campaign.
Hiniling ni PCol. Go ang suporta ng mamamayan pangunahin na ang mga may impormasyon sa mga nangyaring pagpatay na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng kaso.
Pinaalalahanan din niya ang mga motorista na kotrolin ang emosyon at huwag maging mainitin ang ulo sa kalsada upang hindi masangkot sa mga hindi kanais-nais na pangyayari.










