
CAUAYAN CITY – Inaresto sa Hermosa, Maddela, Quirino ang number 2 most wanted person sa Regional Highway Patrol Unit 2 at itinuturong utak sa pangangarnap.
Nadakip ang akusado na si Arturo Maglalang, nasa wastong edad, at residente ng Capalangan, Apalit, Pampanga sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hukom Reymundo Aumentado ng Regional Trial Court Branch 20 Cauayan City dahil sa kasong Qualified Carnapping.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Rico Oñate, Police Community Relations ng Regional Highway Patrol Unit 2 na nakahimpil sa Lunsod ng Ilagan, sinabi niya na naaresto ang akusado sa Hermosa, Maddela, Quirino habang nagsasagawa ang kanilang tropa ng Anti Carnapping Operation.
Bukod sa kasong Carnapping si Maglalang ang pangunahing pinaghihinalaan o utak sa pagpatay kay Mark Robin Barroga noong September, 2011 matapos nakawin ang sasakyan nitong Isuzu Bmax.
Matatandaan na natagpuan ang bangkay ni Barroga sa Aritao, Nueva Vizcaya kaya sinampahan ng kasong Qualified Carnapping.
Ang akusado ang pinuno ng Maglalang group na pangunahing nagsasagawa ng carnapping sa mga mio motorcycle.
Ang akusado ay namukhaan ng tropang nagsasagawa ng Anti Carnapping Operation kaya inaresto ngunit itinatanggi ang paratang laban sa kanya at maayos namang sumama sa kapulisan.
Ang mga kasamahan ni Maglalang ay una nang nadakip at siya ang pinakahuling inaresto.
Wala namang piyansang inirekomenda para sa pansamantala niyang kalayaan.
Ipinaalam na rin sa pamilya Barroga ang pagkakadakip ng akusado na pangunahing utak sa pagpaslang sa kanilang kaanak.










