
CAUAYAN CITY – Nasunog ang ilang gusali ng La Sallete of Quezon sa Purok 3, Brgy. Samonte pangunahin na ang Faculty Office at iba pang opisina at classroom kagabi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kagawad Leo Warren Daguio ng Samonte, Quezon Isabela sinabi niya na alas sais trenta kagabi ay nagmemeryenda ang kanyang pamangkin sa harapan ng eskwelahan nang mapansing nasusunog na ang bubungang bahagi ng faculty building kaya agad siyang tinawag at ipinabatid naman niya ito sa Bureau of Fire Protection.
Agad namang nakarating ang bumbero at sinira nila ang gate na nakapadlock upang makapasok ang truck at makalapit sa nasusunog na gusali.
Ayon kay Kagawad Daguio hinihinalang sa wirings ang dahilan ng pagkasunog ng gusali ngunit wala pang pahayag dito ang BFP.
Tumulong din sa pag apula ng apoy ang mga kasapi ng BFP Santa Maria, Mallig at Roxas na nasa mahigit pitong fire truck ang ginamit sa pag apula sa sunog.
Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang mga kadikit na opisa at classroom kaya nagtulungan ang mga residente at faculty upang maisalba ang mga gamit.
Natupok ng apoy ang canteen, accounting office, registrar office, faculty office, computer room, laboratory room, library maging ang ilang classroom.
Pasado alas nuebe na ng gabi nang tuluyang ideklarang fire out ng BFP ang sunog.










