--Ads--

CAUAYAN CITY – Walang nakikitang epekto sa mga state Universities at sa full implementation ng face to face classes ang pagbawi ng Inter agency Task force (IATF) sa mandatory health insurance ng mga mag-aaral sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, presidente ng ISU System, ipinaliwanag niya na wala siyang nakikitang epekto sa pagbawi ng IATF sa naturang kautusan dahil may sariling health insurance o mutual aid fund ang mga estudyante ng Isabela State University na pinopondohan ng pamahalaan.

Una na rin silang nakipag-ugnayan sa Commission on Higher Education (CHED) at napagkasunduan na ring tanggapin  ang Mutual Aid fund ng ISU bilang requirement ng mga estudyanteng hirap kumuha o makapagbayad sa Philhealth.

Sa halip na mandatory ay mas mainam na gawin na lamang  itong voluntary dahil hindi lahat ng mga mag-aaral ay may kakayahan na makapaghulog ng kontribusyon.

--Ads--

Inaasahan naman na mas magiging madali na para sa mga estudyante ng ISU ang pagpasok para sa inaasahang full implementation ng face to face classes sa sususnod na school year gayunman nanatiling bukas ang Pamantasan sa pagpapatupad ng hybrid mode of learning o kombinasyon ng face to face at online classes.

Matatandaan na una na ring ipinagpaliban ng ISU system ang implementasiyon ng in-person classes ngayong semestre upang bigyang daan ang mga working students na matapos ang kanilang mga kontrata sa iba’t ibang kompanya.

Paglilinaw naman ni Dr. Aquino na bagamat pinahihintulutan ang pagtratrabaho ng mga mag-aaral ay dapat tiyakin nilang hindi nito naaapektuhan ang kanilang pag-aaral at schedule sa klase.