
CAUAYAN CITY – Sisikapin ng Trade Union Congress of the Philippines na maipasa sa ilalim ng Marcos administration ang Security of Tenure laban sa illegal contractualization, anti-ENDO bill at batas na magtatakda ng minimum wage sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Allan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, sinabi niya na sa kasalukuyan ay mayroon ng 43 million work forces ang bansa at 25 million dito ay ENDO o contractualized.
Una na silang nakipag-ugnayan kay President elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at nauunawaan naman niya ang sitwasyon ng contractualization sa bansa kaya malaki ang tiyansa na matutugunan ito ng pangulo.
Pangunahin sa hangarin ng TUCP na labanan ang mga pang-aabuso sa mga manggagawa sa pamamagitan ng contractualization at ENDO kung saan maraming employers at kompanya ang paulit-ulit na kumukuha ng mga contractualized workers.
Nasa labindalawang wage board na ang nagsumite ng wage order subalit may iba pang hindi pa nakakapagbigay gayunman kapansin-pansin na mababa pa rin ang ipinagkakaloob at inaaprubahang umento sa sahod maliban pa sa napakabagal na proseso.
Bilang kinatawan ng kamara ay sisikapin ng TUCP na amyendahan ang batas na nakakasaklaw sa pagtatakda ng minimum wage ng wage board.
Iginiit rin ng TUCP na dapat ipagpaliban ang economic managers ni President Elect Marcos ang pagpapataw ng karagdagang buwis sa mga manggagawa upang mabayaran ang utang ng pamahalaan.
Sa halip na tutukan na ang mga maliliit at mahihirap na manggagawa ay patawan na lamang ng buwis ang mga mayayaman o mga middle class income earners.










