--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang Ginang matapos na tumalon mula sa pampasaherong jeepney sa Colorado, San Guillermo, Isabela.

Ang biktima ay si Josie Parocha Cardenas, 51-anyos, may asawa, magsasaka habang ang tsuper ng pampasaherong jeep ay si July Salting, 37-anyos, kapwa residente ng Dietban,  San Guillermo, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PSMSgt. Marlon Onogon, tagasiyasat ng San Guillermo Police Station na patungo ang Jeep sa kabayanan na may mga kargang sako ng mais at may ilang nakasakay sa topload nito.

Habang binabaybay ang Provincial Road sa barangay Colorado ay bigla na lamang namatay ang makina ng jeep na naging dahilan ng paghinto nito.

--Ads--

Umatras ang sasakyan na naging dahilan ng pagpanic ng mga pasahero at pagtalon ng biktima  at  siyam na iba pa mula sa topload ng jeep.

Nagtamo ng malubhang head injury si Cardenas na agad  dinala sa Rural Health Unit ng San Guillermo ngunit dahil nawalan ng  malay ay inilipat ng Rescue 802 sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City ngunit  binawian din ng buhay.

Masuwerte naman ang iba pang tumalon dahil nagtamo lamang ng gasgas sa kanilang katawan.

Ayon kay PSMSgt. Onogon, naubusan ng krudo ang sasakyan kaya huminto.

Ayon naman sa tsuper na si July Salting, inakala niyang makakasapat ang krudo na ikinarga nito sa sasakyan.

Nagkaroon na rin sila ng pakikipag-usap sa pamilya ng biktima na kanya ring kamag-anak at nagkasundong tutulong sa gastusin ng pamilya ng biktima.