
CAUAYAN CITY – Humina na ang Communist Terrorist Group (CTG) sa lalawigan ng Cagayan at sa rehiyon ng Cordillera.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Rose Ann Ballad, Information Media Specialist ng 5th ID na noong May 26 ay idineklara ng area clearing validation committee na weakened o mahina na ang East Front Committee ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley at Komiteng Larangang Guerilla (KLG) Baggas ng Ilocos-Cordillera Regional Committee ng CTG.
Ang pagdedeklarang ito ay nangangahulugan na cleared na ang mga CTG affected barangays sa mga naturang lugar at ang mga nabuo nilang organisasyon ay nadismantle na.
Ang ginagalawan ng East Front Committee sa silangang bahagi ng Cagayan ay 34 na barangay ang na-cleared habang sa ginagalawan naman ng KLG Baggas sa Apayao at Kalinga ay 29 na barangay ang insurgency cleared.
Patuloy pa rin ang effort ng militar sa nasasakupan ng 5th ID para mawakasan ang insurhensiya at makamit ang kapayapaan.
Positibo naman ang 5th ID na mawawakasan ang insurhensiya sa lahat ng kanilang nasasakupan.
Muli naman silang nanawagan sa mga hindi pa sumukong rebelde na magbalik na sa pamahalaan para matamasa rin ang tulong na nararanasan ngayon ng mga sumuko na nilang kasamahan at nang makasama na rin ang kanilang mga pamilya.










