
CAUAYAN CITY – Ipinanawagan ng Isabela Consumer Watch Incorporated ang pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) II pangunahin na si General Manager David Solomon Siquian na idinawit sa pagpaslang kay Internal Audit Manager Agnes Palce.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Raffy Jacinto, presidente ng Isabela Consumer Watch Incorporated na dahil ilang araw nang hindi pumapasok sa kanyang trabaho si Siquian ay hiniling nila sa National Electrification Administration (NEA) na i-take over muna ang ISELCO II upang hindi maantala ang operasyon ng kooperatiba.
Karamihan din aniya ng mga Board of Directors (BOD) ng ISELCO II ay expired na ang termino at hindi pa nagpapatawag ng eleksyon kaya nararapat lamang na magbitiw na sila sa puwesto.
Naniniwala si Ginoong Jacinto na may corruption sa ISELCO II na natuklasan si Ginang Palce na naging dahilan para siya ay ipapatay.
Magugunitang sinampahan na ng kasong murder ang gunman na si Barry Bulan at pinsan na si Jervy Bulan kapwa residente ng Calamagui 1st, Lunsod ng Ilagan at idinawit sa krimen sina Siquian at Board of Director Michael Paguirigan.
Si Paguirigan ay tiyuhin ng gunman na si Barry Bulan.
Matapos na idawit sa pagpatay kay Palce ay nagpakamatay si Paguirigan sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.
Samantala, inihayag pa ni Ginoong Jacinto na noong 2013 pa sila lumalaban sa umano’y katiwaliang nagaganap sa ISELCO II ngunit dahil may mga backer ang mga nakapuwestong opisyal ay hindi sila natatanggal sa puwesto.
Wala aniyang nangyayari sa hinihingi nilang dokumento tulad ng audit result dahil hindi nagbibigay ang pamunuan ng electric cooperative.
Sinabi pa ni Ginoong Jacinto na nauna na siyang sinampahan ng kasong cyber libel ng ilang Board of Directors ng ISELCO II dahil sa pagbubunyag niya ng katwalian sa naturang kooperatiba ngunit naibasura dahil sa kakulangan ng probable cause.
Nanindigan si Ginoong Jacinto na hindi siya titigil na ipaglaban ang karapatan ng mga member-consumers.
Nakakalula aniya ang benepisyo ng mga Board of Directors dahil ang kanilang lcellphone load ay 5,000 pesos bawat isa sa loob ng isang buwan, bukod pa sa gasoline allowance, yearly laptop at cellphone allowance na napakalaki habang ang kanilang bonus ay 250,000 pesos bawat isa.




