--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagbabala ang City Traffic Management Group o CTMG sa mga Driver operator ng mga namamasadang Jeepney na kabilang sa libreng sakay program ng LTFRB na maaari silang matanggalan ng prangkisa at contract service kapag nahuling naniningil ng pasahe.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Traffic Supervisor Sherwin Balloga, sinabi niya na nakausap na nila ang operator ng mga modernized jeepney at itinanggi nila ang naturang paratang.

Aniya, may isang grupo ng mga namamasada ng jeep ang hinihinala at itinuturo ng mga operator ng modernized jeepney na kanilang titingnan at kung mapatunayan ay idudulog nila sa LTFRB ang pagtatanggal ng kanilang prangkisa.

Hinihikayat niya ang mga pasahero na agad na ireklamo ang mga jeepney na namamasada at naniningil ng pamasahe kahit kabilang sa libreng sakay program ng pamahalaan.

--Ads--

Batay sa ilang mga impormasyon na kanilang nakukuha karamihan sa mga naniningil na libreng sakay jeepney ay nagaganap tuwing hapon.

Karamihan ay sinasamantala rin nila ang sobrang oras na ibinigay ng LTFRB upang sana ay gumarahe na ngunit muling mamamasada at maniningil ng pasahe sa mga sasakay.