
CAUAYAN CITY – Labinlimang groserya sa Lunsod ng Ilagan ang padadalhan ng letter of inquiry ng Department of Trade (DTI) Isabela kaugnay ng pagbebenta ng isang brand ng sardinas na lampas sa Suggested Retail Price (SRP).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Lovell Mark Campania, Senior Trade Industry Development Specialist ng DTI-Isabela, sinabi niya na noong Mayo 2022 ay naglabas ang DTI ng SRP sa mga basic at prime commodities.
Ito ay bunga ng pagtaas ng presyo ng mga raw materials na inaangkat sa ibang bansa.
Kabilang dito ang tamban na ginagamit sa paggawa ng sardinas, mechanically deboned meat para sa processed meat, butter milk para sa processed milk, palm oil para sa paggaw ang instant noodles at iba pa.
Ito ang naging batayan ng DTI sa pag-apruba sa bagong SRP ng ilang pangunahing bilihin.
Ayon kay Ginoong Campania, lingguhan ang isinasagawa nilang price monitoring sa Lunsod ng Ilagan habang buwanan sa Lunsod ng Cauayan at sa Lunsod ng Santiago.
Ang maraming retailers ay hindi pa nag-adjust ng presyo ng kanilang mga produkto dahil ang sinusunod pa rin nila ay SRP noong Enero 2022 sapagkat may mga stock pa sila.
Batay sa kanilang price monitoring ay isang brand ng sardinas ang lampas sa SRP.
Ayon kay Ginoong Campania, magpapadala sila ng letter of inquiry sa mga establisimiento para magpaliwanag kung bakit lampas sa SRP ang presyo ng nasabing sardinas ng piso hanggang dalawang piso.
Ang SRP ay 17.52 pesos ngunit ibinebenta ng 18.50 pesos hanggang 19 pesos.
Maaaring ang dahilan ay mataas ang presyo ng nasabing brand ng sardinas na hindi kasali sa SRP noong Enero 2022.
Ipinaliwanag ni Ginoong Campania na bago ang pagtaas ng presyo ng mga basic at prime commodities na sakop ng DTI ay idinadaan sa pag-aaral technical working group.
Samantala, hinimok ni Ginoong Campania ang mga consumer na ireport sa kanilang Facebook page ang store o tindahan kung saan nila nabili ang produkto ng mas mataas na presyo para mapadalhan nila ng letter of inquiry.
Binanggit din ni Ginoong Campania na ilulunsad nila ang Consumer Welfare Assistance Center sa Cabagan at Tumauini, Isabela para makatulong sa mga consumer na makakaharap ng isyu o problema sa mga palengke.




