CAUAYAN CITY – Mahigit tatlong libong bakantang trabaho ang alok sa isasagawang job fair ng DOLE Region 2 sa Independence Day.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Chester Trinidad, information officer ng DOLE Region 2 na hanggang kahapon ay mayroon nang 3,289 na job vacancies ang maaring aplayan ng mga job seekers sa lambak ng Cagayan.
Sa naturang bilang ay 2,036 ang local na trabaho habang 1,253 ang overseas.
Mayroon na ring 2,289 na registered applicants kaya hinihikayat ng DOLE Region 2 ang mga naghahanap ng trabaho na samantalahin ang pagkakataong ito at magtungo lamang sa Robinson Place sa lunsod ng Tuguegarao, sa Echague Municipal Gymnasium at Centro Mall, Santiago City.
Ayon kay Ginoong Trinidad, bukod sa face to face job fair na isasagawa nila sa linggo o sa mismong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay mayroon ding online job fair ang DOLE Region 2 na magsisimula na ngayong araw at magtatapos sa linggo.
Kabilang sa mga alok na trabaho ang sales executive, inventory staff, machine operator, helper, HR assistant o HR officer, account officers sa bangko, sa hotels ay mayroong housekeeping staff, chef, bagger, bookkeeper, supervisor, mechanical engineer, hotel associate, sales executive at mayroon din sa Business Process Outsourcing.
Mayroon din sa PDEA region 2 na nangangailangan ng dalawang chemist, dalawang administrative assistant, isang guwardiya at isang administrative aide.
Sa mga gusto namang magtrabaho sa Maynila ay may alok ding trabaho at sa mga gusto namang maging caregiver sa Japan ay mayroon din gayundin ang welder pero kailangan ng NC2 certificate.
Bisitahin lamang ang facebook page ng DOLE region 2 para sa mga karagdagan pang alok na trabaho.
Paalala ni Ginoong Trinidad sa mga magtutungo sa kanilang mga venues na huwag kalimutan na dalhin ang kanilang resume para maproseso agad ang kanilang application.
Maliban naman sa job fair ay mayroon ding iba pang services sa mga venues tulad na lamang ng free COVID-19 vaccination.