--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagluluksa ang pamilya ng isang estudiyante na nagpakamatay matapos umanong malaman na hindi kasali sa mga magtatapos sa kursong Bachelor of Science in Criminology dahil sa dalawang subject na bagsak ang grado.

Ang  22 anyos na estudiyante sa isang pribadong  paaralan sa Bambang, Nueva Vizcaya at residente ng Bansing, Bayombong, Nueva Vizcaya ay unang nakipag-inuman umano sa ilang kaklase na nagkaroon din ng problema sa kanilang grado kaya hindi sila makakapagtapos.

Nang umuwi sa kanilang bahay ay isinagawa ng estudiyante ang pagpapakamatay.

Ang pagkamatay ng binata ay ipinapabatid sa Bayombong Police Station ni Barangay Kapitan Wifredo Soliven ng Bansing, Bayombong.

--Ads--

Bilang tugon ay nagtungo sa nasabing barangay ang mga kasapi ng Bayombong Police Station at Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Lumabas sa kanilang imbestigasyon na nagpakamatay ang binata sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang lubid na itinali sa kisame ng kanilang bahay.

Nalaman ng mga otoridad mula sa nanay ng binata na nabanggit ng anak sa kanyang pinsan ang problema sa kanyang thesis  na isa sa mga requirement sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo.

Nakaburol na ang bangkay ng binata sa kanilang bahay sa Bansing, Bayombong, Nueva Vizcaya.