--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagluluksa ang pamilya ng isang estudiyante na nagpakamatay matapos malaman na hindi kasali sa mga magtatapos sa kursong Bachelor of Science in Criminology dahil sa dalawang subject na bagsak ang grado.

Ang 22-anyos na estudiyante sa isang pribadong paaralan sa Bambang, Nueva Vizcaya at residente ng Bansing, Bayombong, Nueva Vizcaya ay unang nakipag-inuman sa mga kaklase na nagkaroon din ng problema sa kanilang grado kaya hindi sila makakapagtapos.

Ang pagkamatay ng binata ay ipinapabatid sa Bayombong Police Station ni Barangay Kapitan Wilfredo Soliven ng Bansing, Bayombong.

Bilang tugon ay nagtungo sa nasabing barangay ang mga kasapi ng Bayombong Police Station at Scene of the Crime Operatives o SOCO.

--Ads--

Lumabas sa kanilang imbestigasyon na nagpakamatay ang binata sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang lubid na itinali sa kisame ng kanilang bahay.

Nalaman ng mga otoridad mula sa nanay ng binata na nabanggit ng anak sa kanyang pinsan ang problema sa kanyang thesis na isa sa mga requirement sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo.

Nakaburol na ang bangkay ng binata sa kanilang bahay.

SAMANTALA, May kahilingan ang pamilya ng nagpatiwakal na estudiyante.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa nanay ng estudyante, naniniwala siya na ang hindi pagpasa sa Thesis Subject ang naging dahilan ng pagpapatiwakal ng kanyang anak.

Nais ng kaniyang anak na makapagtapos dahil sa nakitang pagkalungkot ng kanyang tatay matapos  tumigil sa pag-aaral ang kaniyang nakatatandang kapatid na Graduating na rin.

Nagkausap pa ang estudyante at ng kanyang mga kaibigan tungkol sa hindi pagkapasa ng kanilang Thesis at tila nawalan umano sila ng pag-asa kaya nagkayayaan ng inuman.

Umuwi umano ang kanyang anak lulan ng motorsiklo at naaksidente sa daan at nalagasan ng ngipin ngunit nakauwi pa rin sa kanilang bahay.

Hinala ng ina na maaring dinamdam nito sa pag-aakalang makakaapekto ang pagkawala ng kaniyang mga ngipin sa recruitment process ng PNP kaya nagpatiwakal

Ang bahagi ng pahayag ng Nanay ng nagpatiwakal na estudyante.

Tanggap naman umano ng pamilya kung magiging summerian ang kanilang anak at sinabihan pang kunin na lamang sa susunod na semestre ang mga bumagsak na subject ngunit tila nawalan na siya ng pagasa.

Nagtungo na rin ang subject teacher nito sa kanilang bahay at iginiit ng kanyang ama na wala silang sama ng loob sa Kolehiyong pinapasukan ng kaniyang anak ngunit nanawagan na magsilbi sana itong aral sa paraalan upang maiwasan nang mangyari sa iba pang estudyante.

Ang karagdagang pahayag ng Nanay ng nagpatiwakal na estudyante.