--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ni Regional Director Gwendolyn Bambalan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) region 2 na patuloy ang masigasig na kampanya laban sa illegal logging.

Nagpapasalamat siya sa mga law enforcement agencies tulad ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army at mga Local Government (LGU’s) na katuwang nila sa pagpapatupad sa kampanya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Bambalan na bumuo sila ng Regional Environment Law Enforcement Council (RELEC) at mayroon ding mga Provincial Environment Law Enforcement Council (PELEC) na pinamumunuan ng mga gobernador.

Hiniling ni Regional Director Bambalan sa publiko at mga people’s organization na iwasan ang pakakaingin at pagsunog sa mga kabundukan.

--Ads--

Ang mga illegal na namumutol ng mga punong kahoy aniya ay mahaharang sa maraming checkpoint na inilatag ng DENR sa iba’t ibang lugar sa ikalawang rehiyon.

May dalawang monitoring station sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya, Sta. Praxedes, Cagayan at may mga mobile checkpoint din ang DENR.

Sinabi pa ni Regional Director Bambalan na nagpapasalamat sila sa punong tanggapan ng DENR dahil binigyan sila ng karagdagang pondo para sa pagkuha ng mga forest protection officers.

Ipinapatupad nila ang landscape indicator na ginagamitan ng gadget para malaman ang mga threats o banta sa mga forest conservation areas at agad na ginagawan ng solusyon ng mga Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa pakikipagtulungan sa mga otoridad tulad ng PNP at Philippine Army.

Ayon kay Regional Director Bambalan, tiwala siya na hindi sangkot ang mga pulitiko at lokal na opisyal sa pamamagitan ng pagpapalusot sa mga illegal na pamumutol ng mga punong kahoy dahil sila  ang kanilang katuwang sa kampanya kasama ang mga opisyal ng barangay.

Malaking tulong aniya ang Sierra Madre Mountains ngunit may mga hamon tulad ng upland farming ng mga katutubo na nagkakaingin.

Dahil dito ay isinusulong nila sa tulong ng  mga LGU at opisyal ng barangay  ang  sloping agricultural land technology at agro-forest technology para maiwasan ang pagkasira ng kalikasan.

Dapat aniyang ingatan  ang mga kagubatan  lalo na ang Sierra Madre Mountains na nag-iisa sa buong mundo at napakalaki ang tulong sa region 2 dahil nagsisilbing natural barrier sa hangin mula sa Pacific Ocean kung may malakas na  bagyo.

Patuloy ang pangangalaga ng DENR sa mga kagubatan ngunit nagiging  hamon ang timber poaching at pagkakaingin at pagtatanim ng mais sa mga kabundukan.

Ito aniya ang  sanhi ng  soil erosion na bumababa sa ilog kaya nagiging silted o mababaw na ang ilog.