
CAUAYAN CITY – Hinimok ng Pangulo ng Isabela Consumer Watch Incorporated ang mga member-consumer na lumagda sa petisyon para sa pagpapatawag ng Special Annual Membership General Assembly ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) II para matalakay ang mga mahalagang agenda.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Raffy Jacinto, presidente ng Isabela Consumer Watch Incorporated, sinabi niya na balak din niya at ng legal adviser ng samahan na gumawa ng petisyon.
Gayunman, inamin ni Ginoong Jacinto na mahabang proseso ito dahil kailangang lumagda ang 8,000 na 5% ng mahigit 158,000 na registered member-consumers ng ISELCO II.
Hiniling din niya kay Governor Rodito Albano na iginiit ang pagbibitiw sa puwesto ng mga Board of Directors (BOD) na expired na ang termino.
Ayon kay Ginoong Jacinto, dapat nang pumasok ang National Electrificaion Administration (NEA) at isailalim sa preventive suspension ang mga department head na pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian para hindi nila maayos ang mga dokumento upang pagtakpan ang mga hindi magandang nangyayari sa electric cooperative.
Wala pa aniyang tugon ang NEA sa kanilang petisyon na pansamantalang pangasiwaan ang ISELCO II lalo na’t galing pa rin sa loob ng kooperatiba ang OIC General Manager.
Inulit niya ang panawagan sa mga Board of Directors na magbitiw na sa puwesto dahil marami sa kanila ang nasa apat na taon, limang taon at may 10 taon na sa puwesto at nasa hold over o extended capacity.
Sinabi pa ni Ginoong Jacinto na noong buwan ng Mayo ay ilang beses na nagpulong ang BOD.
Nagpasa umano sila ng board resolution na huwag munang pumasok sa Cooperative Development Autuhority (CDA).
Sa halip aniya na kapakanan ng mga member-consumer ang unahin niya ay inuuna pa nila ang kanilang interes.
Nang mapatay si Internal Audit Manager Agnes Place ay hindi man lang sila nagpasa ng resolusyon ng pakikiramay sa kanyang pamilya o resolusyon ng pagpapaimbestiga sa pagpatay sa kanya.




