--Ads--

CAUAYAN CITY – Tumaas na ng 50% ang dating 10% lamang na pagtaas bawat linggo ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Octa Research fellow Guido David, sinabi niya na oobserbahan nila kung patuloy ang pagtaas ng positivity rate bagamat nananatiling mababa ang utilization  rate sa mga ospital.

Pangunahing nilang nakitaan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang  Metro Manila, Cavite at Laguna sa Calabarzon.

Hindi pa naman aniya nakakaalarma ngunit patuloy ang pagtaas ng trend.

--Ads--

Nilinaw ni Professor David na hindi nila nakikita ang surge na tulad ng nangyari noong Enero at Pebrero ngayong taon.

Ang isa sa mga dahilan ng pagtaas ng kaso ay humihina na ang immunity o bumababa ang antibody ng mga nagpabakuna at ang mga nakapasok na  subvariants na BA.4, BA.5 na galing sa Africa at  ang BA2.12.1 na mula sa Amerika.

Ang isa pang dahilan ay ang hindi na mahigpit na pagsunod sa public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask.

Ayon kay Professor David, sinusuportahan nila ang pagpapanatili ng alert level 1 sa Metro Manila para sa ekonomiya at ang mahirap na buhay  dahil sa mataas na presyo ng langis at mga bilihin.

Matapos ang dalawang taon na pandemya,  dapat ay alam na ng mga tao ang mga nararapat  na gawin para mapangalagaan ang kalusugan.