CAUAYAN CITY – Nanawagan ng tulong sa Bombo Radyo Cauayan ang ilang Overseas Filipino Workers o OFWs na biktima ng panloloko ng isang agency na nakabase sa Dubai.
Ayon kay Ricardo Calalang nang pumunta sila sa Poland Embassy ay natuklasan nila na peke ang kanilang working permit at iba pa nilang dokumento.
Ang opisina ng Mars Immigration Consultancy Services ay sarado na rin at hindi na rin makontak ang mga taong pinadalhan nila ng pera.
Aniya, ang mga job order at working permit na ipinadala sa kanila ay sunud-sunod na ipinapadala para makapagbayad sila agad subalit matapos na maibigay ang hininging halaga ay bigla na lamang silang naglaho.
Ayon naman kay Hamina Balao, isa ring OFW, nakakaranas na ng depression ang ilan sa mga kapwa niya OFW na naloko ng Mars Immigration Consultancy Services at mayroon nang gustong magbenta ng kanyang kidney dahil sa pagkakalugmok sa utang.
Aniya, Pilipino rin ang nanloko sa mga naturang OFWs na consultant umano ng Mars Immigration Consultancy Services.
Humihingi sila ngayon ng tulong sa Bombo Radyo Cauayan at kay President Elect Bongbong Marcos dahil umaabot na sa halos isang daang OFWs ang naloko ng naturang agency.
May mga nakauwi na sa kanila na mga taga-Isabela habang nagtatrabaho pa rin ang ilan para mabayaran ang kanilang utang.