CAUAYAN CITY – Sinimulan na ng Cauayan City Airport Police Station ang pakikiisa sa Todas Dengue Todo Na To, ikasiyam na kagat na nakatakdang isagawa sa lalawigan ng Isabela sa ikadalawampu’t lima ng Hunyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Julio Maribbay, Chief of Police ng Aviation Security Group Domestic Airport Cauayan City, sinabi niya na sinimulan nila noong araw ng sabado ang clean up drive katuwang ang ilang opisyal ng barangay at mga barangay healthcare workers.
Aniya, nagsimula sila sa paglilinis sa barangay San fermin hanggang sa papasok sa barangay Marabulig uno.
Bukod sa paglilinis ay nagsagawa rin sila ng prunning sa mga puno na nakalaylay ang mga sanga malapit sa daan.
Ayon kay PCapt. Maribbay, naging katuwang din nila ang ilang mamamayan sa paglilinis.
Natutuwa naman sila dahil nakita nila ang mga drums na pinagtatapunan ng mga basura at ang maayos na pagtatapon ng mga basura gayunman ay napansin nila sa mga maliliit na tindahan na mayroon pa ring nakakalat na mga plastic bottles.
Ang mga kanal naman ay marumi kaya nakiusap sila sa mga opisyal ng barangay na tanggalin ang mga nakabarang dumi upang makadaloy ng maayos ang tubig at hindi pamuguran ng lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Dalawa hanggang tatlong beses nilang isinasagawa ang paglilinis na isinasabay sa kanilang barangay outreach program.