CAUAYAN CITY – Ang foreign currency tulad ng dolyar ay parang goods na ang presyo ay nakadepende sa law of supply and demand.
Kung tumataas ang pangangailangan sa isang currency ay tataas din ang halaga nito.
Kung kaunti naman ang demand at marami ang supply ay mababa ang halaga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Board Member Randy Arreola na isa ring Certified Public Accountant (CPA), sinabi niya na ang ekonomiya ng buong bansa ay apektado dahil sa mataas na presyo ng langis na pinatindi ng mataas na halaga ng piso kontra dolyar.
Mataas ngayon ang demand sa U.S. dollar dahil ito ang ginagamit sa pagbili ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Lalo aniyang tataas ang inflation rate o presyo bilihin sa bansa lalo na ang mga imported kung mataas ang palitan ng piso kontra dolyar.
May maganda namang epekto ito sa mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) dahil ang sahod nilang dolyar ay mas mataas ang halaga nito sa piso.
Gayunman, dahil mataas ang presyo ng mga bilihin ay maliit ding goods ang mabibili kahit mataas ang palitan ng piso at dolyar.
Ayon kay Atty. Arreola, dapat na tangkilikin o bilhin ang mga lokal na produkto sa bansa para matipid ang dollar reserves dahil kung imported ang mga bibilhin ay mababawasan ang dollar reserves ng pamahalaan na lalong magpapataas sa exchange rate.
Nakababahala aniya kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at mataas ang palitan ng piso at dolyar ay posibleng maraming manufacturing company ang magsasara kung hindi kakayanin ang mataas na gastusin sa produksiyon.
Ang epekto nito ay lalong apektado ang ekonomiya ng bansa at puwedeng marami ang mawawalan ng trabaho.