CAUAYAN CITY – Patunay na seryoso ang mga problema na kinakaharap ng mga magsasaka at sambayanang Pilipino ang pasya ni President-elect Bongbong Marcos na pamunuan muna ang Department of Agriculture (DA).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na umaasa sila na sa pag-upo ni Marcos bilang kalihim ng DA ay mabibigyan ng buong attention at suporta ang pondo ng kagawaran.
Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga mabisang polisiya ay magtatagumpay ang kanyang hangarin na mabigyan ng sapat at abot-kayang presyo ng pagkain ang mga mamamayan.
Ayon kay Ginoong Montemayor, ang isa sa mga inaasahan nila ay magpapatupad ng hakbang si President-elect Marcos para mapababa ang presyo ng abono maging ang krudo dahil apektado ang produksiyon ng mga magsasaka ng mahal na presyo ng abono at langis.
Ang epekto nito ay mataas din na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Hiling din nila na dagdagan ang subsidiya sa abono sa mga magsasaka para mapababa ang gastos sa produksiyon ng mga magsasaka upang mahikayat sila na patuloy na magtanim ng palay.
Sa fuel at transport cost ay hiling nila na dagdagan ang fuel voucher o coupon para sa mga mangingisda.
Ayon kay Ginoong Montemayor, mahigit 50% ng gastusin ng mga mangingisda ay para sa krudo ng makina ng kanilang bangkang ginagamit sa pangangalap ng isda sa karagatan.
Kung hindi kayang balikatin ng mga mangingisda ang mahal na presyo ng krudo ay babawasan nila ang kanilang pangingisda na makakaapekto sa suplay ng isda sa pamilihan.
Hinggil sa sinabi ni President-elect Marcos na back to basic, sinabi ni Ginoong Montemayor na dapat umasa ang mga mangingisda at magsasaka sa sariling kakayahan at huwag umasa sa ibang bansa tulad ng Thailand na nililimitahan na rin ang pagluluwas ng kanilang mga produkto.
Kabilang dito ang trigo, bigas at palm oil dahil inuuna nila ang interes ng kanilang mga mamamayan.
Kailangan aniyang tulungan ang mga magsasaka at mangingisda para pag-ibayuhin ang kanilang pagsisikap upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain.
Ayon kay Ginoong Montemayor, kailangan din ng restructuring sa DA para matugunan sa lalong madaling ang mga prayoridad ng bagong Pangulo.