CAUAYAN CITY – Posibleng umabot sa dalawang libo hanggang tatlong libo ang maitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga susunod na araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group na sakali mang magpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa ay posibleng umabot sa dalawang libo hanggang tatlong ang maitatalang kaso sa buong bansa sa mga unang linggo ng Hulyo.
Hindi naman ito lalagpas sa limang libo at pagkatapos ng ilang linggo ay bababa rin.
Sa ngayon aniya ay consistent ang pagtaas ng kaso sa Metro Manila at Western Visayas habang nakikitaan na rin ng pagtaas ng kaso sa Benguet at Region 2.
Sa kabila nito ay hindi pa naman ito alarming dahil hindi pa ganoon kataas ang bilang ng kaso at mababa pa ang health care utilization rate.
Kahapon ay naitala ang 716 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Aniya, ang weekly growth rate sa buong bansa ay nasa walumpong bahagdan.
Ang nakikitang dahilan ng OCTA Research Group ay ang pagkakatala na ng mga kaso ng Omicron subvariant na BA.4, BA.5, BA.2.12.1 sa bansa.
Bukod dito ay humihina na ang immunity ng mga nabakunahan kaya kailangan ay magpabooster shot na.
Payo ng OCTA Research Group sa publiko na patuloy na mag-ingat at sumunod sa mga health protocols dahil mayroon pa ring mga hindi bakunado.
Ayon pa kay Dr. David, hindi pa napapanahon na tanggalin ang alert level system sa bansa hanggang nakasailalim pa sa state of emergency pero depende pa rin ito sa susunod na administrasyon.