CAUAYAN CITY – Maaring kasuhan at pagbayarin ng danyos ang National Telecommunications Commission o NTC kapag mapatunayang lumabag sa constitutional rights sa kalayaan sa pamamahayag ang ginawa nilang pag-block sa mga websites na sinasabing mayroong ugnayan sa makakaliwang pangkat.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Domingo Cayosa, dating IBP President na Request Letter lamang ang ipinadala ni National Security Adviser Germogenes Esperon sa NTC kaugnay sa pag-block sa mga websites na umanoy may kaugnayan sa makakaliwang pangkat.
Ang mga dapat aniyang ginawa ng NTC ay humingi ng malinaw na kautusan sa Anti Terrorism Council; dapat malinaw na ang mga direktang grupo o tao lamang ang coverage nito at siguraduhing saklaw ito ng Anti-Terrorism Council.
Kaugnay naman sa pag-block sa mga website ng mga rebeldeng pangkat ay dapat lamang upang hindi magamit na propaganda laban sa pamahalaan.
Nagtataka si Atty. Cayosa kung bakit nagpalabas agad ng kautusan ang NTC sa mga internet service providers na i-block ang dalawampong websites na umano’y may kaugnayan sa makakaliwang pangkat.
Sinabi Atty. Cayosa na maaring kuwestiyunin ng mga media entity at ilang organisasyon na walang kinalaman sa makakaliwang grupo ang naging kapasyan ng NTC na i-blocked ang kanilang website.
Malinaw anya sa saligang batas na may Freedom of expression at freedom of the press kayat hindi basta-basta mapigilan ang mga mamamayan o isang organisasyon kahit ang kanilang pahayag ay pagbatikos sa pamahalaan.
Ang kapasyahan ng NTC ay maaring kuwestyunin sa hukuman at kapag mapatunayang lumabag sa constitutional rights sa kalayaan sa pamamahaya ay maari silang kasuhan at pagbayarin ng danyos.