CAUAYAN CITY – Malaking tulong ang pagpapatupad ng Reserve Officer Training Corp o ROTC para mahubog sa tamang landas ang mga kabataang Pilipino at maging handa sa mga kakaharaping suliranin at anumang kaharaping problema ng bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division Phil. Army na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ROTC sa mga kabataang mag-aaral ay mas mapapahalagahan nila ang peace and development sa bansa.
Magsisilbi ring aral ang mga naganap na hazing sa mga nakalipas na ROTC at dapat itong himayin sa ihahain ni Senador Ronald Dela Rosa sa 19th Congress na Mandatory ROTC Bill.
Nasa Grades 11 at 12 sa mga pampubliko at pribadong paaralan na mga lalaki o babae ang isasailalim sa ROTC at dito mabibigyang diin ang tungkulin ng mga kabataan sa nation building at peace and development sa isang komunidad maging ang pagkakaroon ng displinadong kabataang pilipino.
Mabibigyang diin ang tungkulin ng mga kabataan na makakatulong sa kaunlaran at katahimikan ng isang komunidad.
Sinabi pa ni Captain Pamittan na ang Mandatory ROTC ay makakatulong sa mga magulang na madisplina ang kanilang mga anak at magiging mabuti lider ng bansa sa hinaharap.