CAUAYAN CITY – Hindi sasang-ayunan ng simbahang katolika ang panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Vener Ceperez, Kura Paroko ng San Antonio De Padua Parish Church at Social Communications Director ng Diocese of Ilagan, sinabi niya na malinaw ang katuruan ng simbahan na ang Diyos ang nagbigay ng buhay at tanging ang Diyos lamang ang dapat kumitil ng buhay.
Bilang isang simbahan ay naninindigan sila bilang Pro-life at naniniwala na ang buhay na bigay ng Diyos ay kailangang pagyamanin.
Kung nagkasala man ang isang tao ay dapat na mabigyan ng pagkakataong magbago sa pamamagitan ng pagbilanggo at hindi pagbitay.
Gayunman ayon kay Father Ceperez kung susuriin isa sa pinakamahinang institusyon ng bansa ay ang kulungan na lugar sana upang makapagbagong buhay ang mga nakalabag sa batas ng tao at batas ng Diyos subalit mas lalo silang nagiging masama.
Ibinibilanggo ang mga taong nagkasala sa batas upang doon makapag-nilay-nilay at magbago para makabalik sa pamayanan at maging mabuting mamamayan.
Sinabi ni Father Ceperez na mas mainam na bigyang pansin ng pamahalaan ang pagreporma sa mga piitan upang matiyak na natutulungan ang mga bilanggo sa kanilang pagbabagong buhay.
Sa halip na buhayin ang death penalty ay pagtuunan na lamang ng pansin ang Judicial System ng Bansa pangunahin na ang patas na pagpapatupad ng batas na hindi lamang mga mayayaman o may pera ang pinapanigan habang ang mga mahihirap ang nagsisilbing collateral damage.
Kung sa pananaw ng gumagawa ng batas na madidisiplinahan ang publiko sa pamamagitan ng Death Penalty o bitay para kay Father Ceperez ay hindi ito totoo dahil ang disiplina ng isang indibiduwal ay nagsisimula mismo sa loob ng tahanan, bagay na dapat ipaalala sa mga magulang para sa maayos na pagpapalaki sa kanilang mga anak.