CAUAYAN CITY – Labing-isa ang marching orders ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa kanyang pakikipagpulong sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Narciso Edillo ng DA region 2, na pumunta si Pangulong Marcos sa DA Central Office habang sila sa mga rehiyon ay virtual na dumalo sa meeting.
Kabilang sa labing-isang marching orders ng Pangulo ang pagpapalakas sa produksiyon ng palay at mais.
Ang mais aniya ay ginagawang feeds na pagkain ng mga hayop na pagkain naman ng mga tao.
Ang ikalawa ay ang pagtugon sa suliranin sa African Swine Fever (ASF) at bird flu virus sa pamamagitan ng pagpapaigting ng surveillance at muling pagpaparami sa mga baboy at iba pang livestock.
Binanggit din ng pangulo ang multi-year plan para sa reconstruction ng value chain kabilang ang strategy sa cluster farming, diversification at bawat commodity sa mga lugar sa bansa ay mapag-aralan para tugma sa lupa at klima.
Ayon kay Ginoong Edillo, may ipapalabas na Executive Order (EO) para maipatupad ang mga pagbabago lalo na sa presyo ng palay at kung paano matulungan ang mga magsasaka.
Maging ang panukala ng DA na Masagana 150 para sa inbred rice at Masagana 200 para sa hybrid rice kasama ang buffer stocking ng NFA.
Ayon kay Ginoong Edillo, iginiit ni Pangulong Marcos na para madagdagan ang kita ng mga magsasaka, hindi lang sa produksiyon kundi muling pag-aralan sa pamamagitan ng mga pagsasaliksik para maging competitive sa ibang bansa ang mga produktong pansakahan sa Pilipinas.
Nais din ni Pangulong Marcos na i-asses ang Rice Tariffication Law para mabago ang pagkakamali at magrekomenda ang DA ng mga dapat tanggalin para iprisinta sa mga mambabatas.
Nais din ni Pangulong Marcos na lahat ng banner program ng DA ay may baseline data para malaman ang progreso at maikumpara taun-taon kung ano ang naitutulong ng pamahalaan at pag-review sa pondo ng DA at kung kailangan ay gagawa ng supplemental budget na ipiprisinta sa Kongreso.