--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Cabagan Police Station sa pagbaril at pagpatay kaninang alas otso ng umaga sa isang pulis habang sakay ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) at binabagtas ang  bypass road sa Ngarag, Cabagan, Isabela.

Ang nasawi sa pamamaril ay  si PCpl  Marnix Baquiran, kasapi ng  Reina Mercedes Police Station at residente ng Kamasi, Peñablanca, Cagayan.

Maraming  tama ng bala ng baril ang tumama sa kulay silver na Toyota Fortuner na may plakang BBZ 3250 at minamaneho ni PCpl Baquiran na nagtamo rin ng maraming tama ng bala sa kanyang katawan.

Sinasabing tinapatan ng isa ring SUV ang sasakyang minamaneho ni Baquiran at walang habas na pinagbabaril.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Ferdinand Datul, hepe ng Reina Mercedes Police Station na nagluluksa sila sa pagpatay sa kanilang kasama.

Ayon kay PMaj Datul, noon lamang Hunyo 2022 naitalaga sa kanilang himpilan si PCpl. Baquiran.

Galing siya sa kanilang bahay sa Peñablanca, Cagayan at patungo sa Reina Mercedes Police Station para mag-duty nang maganap ang pamamaril sa kanya.

Ayon kay PMaj Datul, makikipagtulungan sila sa imbestigasyon  ng Cabagan Police Station sa pagpatay kay PCpl. Baquiran.

Nanawagan siya sa sinumang may impormasyon sa suspek na ipabatid sa kanila o sa Cabagan Police Station para sa isinasagawang imbestigasyon sa pagpatay kay Baquiran.