CAUAYAN CITY – Nangako si Mayor Caesar Dy Jr. na handa silang tulungan ang pamilya ng lalaking dinukot at pinatay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar Dy Jr., sinabi niya na hindi nila ipatitigil ang imbestigasyon sa pagkamatay ng biktima na si Marko Salgado hanggang hindi nakakamit ng kanyang pamilya ang hustisya.
Matatandaang dinukot ng mga armadong lalaki ang biktima noong Sabado ng tanghali sa Villarta St. ng Brgy. District 1.
Linggo na nang umaga ng makita ang bangkay ng biktima sa Brgy. Cabaruan na nagtamo ng apatnapu’t walong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at may laslas pa sa leeg.
Ayon sa punong lunsod, tutulungan nila ang pamilya ng biktima lalo na at may naulila siyang mga maliliit na anak at ang pinakabata ay sampung buwang gulang pa lamang.
Nanawagan si Mayor Caesar Dy sa mga Cauayeño na makipagtulungan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa lunsod.
Aniya kung may napapansin na ang mga residente na kahina-hinalang indibidwal sa kanilang lugar ay ipagbigay alam na agad sa kanila o sa kapulisan.
Sisikapin naman nilang pailawan ang mga madidilim na bahagi ng lunsod upang maiwasan ang mga ganitong klase ng krimen.
Plano rin ng punong lunsod na maglunsad ng hotline kung saan puwedeng magsumbong o magreklamo ang mga Cauayeño.