CAUAYAN CITY – Pabor ang dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines o IBP sa isinusulong ni Senador Robin Padilla na Federal Government.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, dating pangulo ng IBP na nasa constitution naman na maaring palitan ang saligang batas o ang sistema ng pamahalaan.
Aniya, may katagalan na rin na presidential type ang Pilipinas at ang disadvantage nito ay masyadong centralized ang mga desisyon sa Metro Manila kaya napakabagal ang tulong sa mga lalawigan.
Kung sa tingin nila ay makakatulong ang Federal Government sa bansa, maging bukas sana ang mga tao dahil mayroon naman itong proseso.
Ayon kay Atty. Cayosa, maganda at sa simula pa lang ng bagong administrasyon ay pinag-uusapan na ang pag-amyenda sa konstitusyon para may pagkakataon na magdesisyon.
Karamihan aniya sa mga nagdaang presidente ay sinubukan itong amyendahan pero walang nagtagumpay dahil sa halip na pag-usapan ang mga merito ng panukala ay natalo sila sa pulitikahan.
Sang-ayon naman siya sa sinasabing ang pangunahing rason kaya nais gawing Federal Government ang Pilipinas ay dahil mas alam ng mga local government units o LGUs ang kanilang pangangailangan.
Aniya, ang Federal Government ay hindi naman masama dahil marami namang bansa ang nasa ilalim ng gobyernong ito na progreso ngayon tulad ng United States, Germany at Malaysia.
Ang Federal Government ay mas malapit ang pamahalaan sa komunidad subalit ang kailangan lamang na gawin kung gusto talaga itong isabatas ay ayusin ang maturity, accountability at anti graft sa local government.
Mungkahi ni Atty. Cayosa na gawin ding apat o anim na state ang Pilipinas para maayudahan ang mga maliliit na probinsya na hindi pa kayang maging independent.
Hindi naman aniya totoong magkahiwa-hiwalay ang Pilipinas kapag naging federalismo ang gobyerno dahil tanging ang pagsisilbi lamang sa taumbayan ang ibababa sa LGUs.
Ayon sa kanya, ang kasalukuyang konstitusyon ay tatlumpu’t anim na taon na at may katagalan na rin kaya kailangan na rin ng pagbabago para sa ikauunlad ng Pilipinas.