--Ads--

CAUAYAN CITY – Dismayado ang grupo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON dahil hindi natalakay sa  State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos ang kalagayan ng mga nasa sektor ng transportasyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PISTON national Chairman Mody Floranda na sa mahigit isang oras na SONA ng pangulo ay hindi  nabanggit  ang kalagayan nila sa sektor ng transportasyon.

Aniya, ginamit ng Pangulo sa kanyang kampanya ang transportation sector kaya umasa silang matatalakay ito sa kanyang SONA.

Wala man lamang tinalakay ang pangulo kung ano ang maitutulong sa mga jeepney drivers na naapektuhan sa ipinapatupad na modernization program.

--Ads--

Hindi naman sila tutol sa modernization ng public transport ngunit dapat ding tulungan ng pamahalaan ang mga maapektuhan.

Dapat anyang isipin na ang mga driver at operators ay hindi kalaban ng pamahalaan kundi katuwang sa pag-unlad ng bansa.

Ang nais nilang marinig sa pangulo ay kung ano ang desisyon nito sa Oil Deregulation Law at dapat lamang na rebisahin ang matatas na buwis ng mga produktong petrolyo. 

Wala rin siyang narinig ukol sa kalagayan ng mga manggagawa at kung ano ang maitutulong ng pamahalaan sa mga ito.

Inihayag ni Ginoong Floranda na tuloy tuloy ang isasagawa nilang kilos protesta at ipaglalaban ang kanilang karapatang mamamasada at dudulog sa pangulo upang ipaalam ang kanilang kalagayan at kahilingan.

Samantala, ang nagustuhan nilang binanggit ng pangulo sa kanyang SONA ay ang  paglalagay ng clinic at RHU centers sa mga malalayong lugar na pupuntahan ng mga nurse, doctor at medtech ng isang beses sa loob ng isang linggo.