--Ads--

CAUAYAN CITY – Binigyan ni Congressman Antonio ‘Tonypet’ Albano ng gradong 10 ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Congressman  Albano ng 1st district ng Isabela na natutuwa siya na klaro nang nakita ang estado ng bansa sa SONA ni Pangulong  Marcos.

Sa unang bahagi aniya  ng talumpati ng pangulo ay inilahad ang mga kinakaharap na suliranin ng bansa sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic at epekto ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia at ang tumaas na inflation sa global index dahil sa pag-utang ng ibang mga bansa para sa COVID-19 response.

Inilahad din ni Pangulong Marcos ang kanyang vision para sa bansa hanggang matapos ang kanyang anim na taong termino tulad sa sektor ng agrikultura, edukasyon, kapakanan ng mga OFW at isyu ng west philippine sea.

--Ads--

Sa huling bahagi  ay inilahad ng Pangulo ang mga gusto niyang mangyari  na pagbabago sa saligang batas at mga panukalang batas na nais niyang pagtibayin ng Kongreso.

Ayon ka Congressman Albano, susuriin nila ang mga legislative agenda  o priority bills ni Pangulong Marcos para maihain ang mga panukalang batas upang magkaroon ng saysay ang kanyang SONA at malampasan ang mga kinakaharap na problema at matutulungan ang mga apektadong sektor.

Sinabi pa ni Cong. Albano na labis silang natuwa kaya tumayo sila at pinalakpakan ang pahayag ni Pangulong Marcos hinggil sa pangangalaga sa territorial integrity at kahit isang square inch ay hindi aatras ang Pilipinas sa pag-aangkin sa West Philippine  Sea.

Pabor din si Congressman Albano sa rightsizing o pag-streamline sa burukrasya sa pamahalaan para sa mas mabilis na serbisyo ng pamahalaan at maiwasan din ang red tape.