--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot sa 8.3 million pesos ang pinsala sa lokal na imprastraktura sa ikalawang rehiyon ng naganap na lindol noong July 27, 2022.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi  ni Ginoong Michael Conag, Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) region 2 na ang panlalawigang kapitolyo ng Quirino ay nagkaroon ng bitak habang ang Quirino Province Medical Center (QPMC) ay may nasirang bakod.

Ayon kay Ginoong Conag,  batay sa report ng Department of Public Works and Highways (DPWH) region 2 ay walang  malaking pinsala ang lindol sa mga daan at tulay.

Wala namang naitalang pinsala sa mga irrigation infrastracture maging sa mga pasilidad ng Department of Agriculture (DA).

--Ads--

Wala pang halaga ang mga naitalang pinsala sa 103 na paaralan na nagtamo ng mga bitak matapos ang lindol.

Patuloy pa ang assessment kung may mga paaralan na hindi na   puwedeng gamitin dahil ang karamihan lang ay nagtamo ng mga visible cracks.

Ayon kay Ginoong Conag, dinala na sa Abra kasama ang DSWD ang 10,000 na family food packs para sa mga biktima ng lindol.

Bukod sa mga food packs ay nagbigay din ang OCD at DSWD region 2 ng mga  modular tent, hygiene kits at sleeping kits para sa mga nasa evacuation centers sa Abra.

Kinumpirma din ni Ginoong Conag na dalawa ang naitalang  nasugatan na kinabibilangan ng isang babaeng nagtamo ng bali sa kanang kamay matapos mahilo at madapa noong mangyari ang lindol.

Ang ikalawang nasugatan ay isang construction worker sa Iguig, Cagayan na nagtamo ng sugat sa ulo matapos tumalon  nang maramdaman ang lindol.

Kapwa nagpapagaling sa ospital ang dalawang biktima at bibigyan ng financial assistance ng pamahalaang lokal ng Gattara at Iguig

Ang pahayag ni Ginoong Michael Conag